Hanapin ang Noon sa Ngayon

new

Sabi sa libro ni Bob-Ong na pinamagatang “Mga kaibigan ni mama susan”:

Oo nga’t napapadali ng teknolohiya ang buhay pero hindi kami nagmamadali.

Mayroon pa ba sa atin ang nag iisip kagaya nito? Kakaunti nalang siguro. Bakit tayo nagmamadali? Naisip mo ba? Siguro dahil takot tayong maiwanan. Bakit unti unti tayong nagpakain sa sistema? Napagtanto mo ba? Ako hindi e. Bakit unti unti nating sinanay ang ating mga sarili na dumipende sa makabagong teknolohiya? Baka siguro nahihirapan na tayo sa manual. Maiiwanan ba tayo kung hindi tayo nagmadali? Hindi na natin masasagot ito dahil hindi natin maibabalik ang mga kaganapang hindi naman naganap, naguluhan ka ba? Ako rin e.

Susubukan kong balikan ang mga natatandaan ko sa nakaraan.

Minsan lang tayo dadaan sa pagkabata, pero pwede parin nating gawin ang mga ginagawa natin noon yun nga lang hindi na natin mabigyan ng pansin ngayon.

Noong bata ako mayroon akong laruan ang pangalan niya ay Ansherina, isa siyang babaeng laruan, siya ay binubuo ng bulak at sinulid na buhok kagaya rin ng laruan ni kuya meron siyang malaking saging na laruan, ang pangalan niya ay “B1” si b1 ay may kakambal ito ay si “B2”  si b1 lang ang meron si kuya kase sapat na sa kanya ang isang laruan, kalabisan na kung ipapabili pa si b2, sila ay mga saging na nakasuot ng pantulog na may disenyong mahahabang guhit na kulay asul. Palagi silang magkasama sa lungkot man o ligaya.

Ngayon hindi na sila napapanahon, ni hindi na sila kilala ng mga kabataan sa henerasyon ngayon dahil panay computer games na ang nauuso.

Dati kaming mga kabataan makikita mo lang sa daan, nagtatawanan, naglalaro, may kanya kanyang grupo, tsinelas, lata, bato, stick, tansan, dahon, papel ilan lang yan sa mga bagay na nakakapagpasaya sa amin, hindi namin kailangang gumastos para lang maging masaya. Makita lang namin ang mga kalaro namin ay nakakamit na namin ang walang limitasyong kasiyahan. Walang timer na titigil, kahit pa mag brown out walang tigil pa rin ang paglalaro, walang malinis o maruming bata na hindi namin isinasali sa laro, kahit sino pwede, noon nga hindi man nadidiskubre ang nakatagong ibang kahulugan ng salitang banyaga na “plastic” dahil kung may hindi pagkakaintindihan sa mga magkakaibigan hindi talaga mag uusap hanggat hindi nag aayos.

Kung ating susumahin, napakasimple at payapa ng pamumuhay noon, walang kumplikasyon, lahat may solusyon, kung sana ay maibabalik ang mga nakagawian ng mga kabataan noon.

Sa pag usbong ng mga makabagong teknolohiya, umusbong rin ang mga makabagong pag uugali, unti unting nagiging komplikado ang buhay, nawalan tayo ng privacy, hindi na tayo nakakampanteng maglakad sa kalye kapag gabi. Hindi na natin hinahayaang magpagabi sa daan ang mga bata upang maglaro sa takot na baka mawala sila.

Ang mga kabataan ay gumagastos na ngayon upang makapaglaro, pera na ang nakakapagpasaya sa karamihan sa atin. Kase sinanay na tayo na ang lahat ng bagay ay nabibili, na hindi mo nga mabibili ang kasiyahan pero kaya mong magrenta ng ibang pamamaraan upang maging masaya pansamantala.

Nakakapanlumong isipin na ang dating kabataan noon ay kay layo na sa mga kabataan ngayon, kung noon nakakakilala tayo ng mga bagong kaibigan dahil lang sa mga kadahilanang nakikita natin sila sa pampublikong aklatan, sa paboritong tambayan pag may piknik, ngayon ay nakakakilala tayo ng ng mga bagong kaibigan sa mga lugar na kung saan ang mga ilaw ay malilikot at ang musika ay  sadyang kay lakas, idagdag pa ang mga nakikilala sa tulong ng espirito ng inuming nakakaliyo.

Noon ang mga kantang ating inaawit ay punong puno ng damdamin, bawat kataga ay nakakakislot sa ating mga puso, ngayon naman ay wala ka ng madama sa mga kataga ng mga bagong awitin ni hindi ko na nga maintindihan ang iba.

Ang mga nakagawian ng kabataan ba natin noon ay tuluyan nalang bang magiging ala ala? Nais kong maranasan ng mga magiging supling ko ang mga naranasan ko noong kabataan ko, na hindi lang salapi ang kayang magpasaya sa mga kabataan, na walang mga pekeng kaibigan, walang kumplikasyon na hindi nareresolbahan, na isang simpleng pamumuhay lamang. Kaso parang malabo na.

Mahahanap pa ba natin ang  noon sa ngayon? Gusto kong buhayin ang ating nakagawian ngunit basang basa na ang kugon, mag aalab pa ba? Kaming mga kabataan noon ay napakapalad, napakarami naming masasayang ala ala, mga ala alang hindi malilimutan at babaunin namin hanggang sa huling sandali. Kami, mga batang 90’s ang huling henerasyon na naging masaya kahit wala pa ang makabagong teknolohiya.

Nakakalungkot isipin na ang Noon ay napakahirap ng hanapin sa Ngayon.

 

Leave a comment